Friday, March 20, 2009

CHARLES & RUSSEL: krisis pang pinansyal

PANANALIKSIK SA EPEKTO NG KRISIS PAMPINANSYAL SA MGA ESTUDYANTE NG 1LAM














PANANALIKSIK NA

IPINIPRISINTA SA KOLEHIYO NG KOMERSYO

UNIBERSIDAD NG SANTO TOMAS

















Charles Dariel T. Fernandez

Russel Joseph F. De Guzman











TALAAN NG NILALAMAN


PAHINA

Talaan ng Nilalaman ......………………………………………………………….2

Unang Panimula

Panukalang Pahayag……..……………………………………………….3

Introduksyon………………………………………………………………....4

Rebyu/Pagaaral……………………………………………….……………6

Layunin……………………………………………………………..…………7

Halaga………………………………………………………………………..8

Konseptuwal/Teoretikal na Balangkas…………………………………9

Metodolohiya………………………………………………………………10

Saklaw Delimitasyon……………………………………………………....11

Daloy ng Pag-aaral……………………………………………………….11

Ang Paglalahad

Introduksyon sa Paksa……………………………………………………12

Presentasyon ng Datos…………………………………………………..13

Ang Pagwawakas

Kritik…………………………………………………………………………..16

Konklusyon………………………………………………………………….18

Rekomendasyon…………………………………………………………..19























I. KRISIS PAMPINANSIYAL: UNANG PANIMULA

  • A.PANUKALANG PAHAYAG


Bilang isang mapanuring mag-aaral, ang maliit na pagkabagsak ng isang malakas na bansa tulad ng Amerika ay isang malaking suliranin na dapat tutukan. Ito sa aming palagay, ay nagsimula sa kapabayaan ng mga kompanyang pampinansiyal kasama na ang paglaganap ng pagkalugi ng ilang kompanya, gobyerno sa Europa, recession, at ang mababang pag-unlad ng palitan sa stock market sa buong mundo. Batid namin ang nakaambang kaguluhan, mangyaring ang lakas at kapangyarihan ng kinikilala at tinitingalang bansa ng Amerika ay tuluyan nang maglaho.

Isang malaking dagok ito sa bansang Pilipinas, at iyon ang mas nais naming bigyang pansin. Malaki ang sakop ng pag-unlad at pagkabagsak ng Amerika, kaya’t pati ang maliliit na bansa tulad ng ating bayang sinilangan ay hindi makaiiwas, lalo na’t malaki ang naitutulong ng Amerika sa atin sa maraming aspeto, partikular sa ating pampinansiyal na pangangailangan.

Kami rin naman sa kabilang banda, ay nakasisigurong iisip ng paraan sa lalong madaling panahon si Uncle Sam upang hindi magpatuloy ang masamang bangungot na hinaharap nila ngayon at upang tulungan ang maliliit na bansang apektado nito.

Sa kabilang dako, nakapangangambang isipin na sa kasagsagan ng sigla ng bansang Amerika, tayo’y naghihirap na; Paano pa kaya na sila na sa mga pagkakataon ay ating sandalan, ngayon ay nanghihina na?


  • B.INTRODUKSYON


RECESSION: Period of reduced economic activity. Noon ay nakaranas ng kaginhawaan ang ating bansa. Sa katunayan, isa tayo sa mga nangungunang mayaman na bansa. Hanggang sa makaranas ng unti-unting pagkabagsak sa aspetong pampinansyal ang Pilipinas, ang bawat indibidwal ay unti-unti naring nawawalan ng pag-asa. Hanggang ngayon ay may tanong sa aming isip, ‘kung nakuha nating manguna noon, bakit nahayaan itong bumagsak at hindi na muling nakabangon?’

Dumating din ang oras na nakasanayan na ng ating mga kababayaan ang mamuhay sa hirap, magtiis, at umunlad gamit ang tiyaga at sipag. Hindi, hanggang sa maibalita noong nakaraang taon ang nalalapit na paghina ng bansang Amerika at dagdag krisis pampinansyal di lamang sa ating bansa kung hindi sa buong mundo, ay napukaw ng suliraning ito ang aming atensyon.

Ang pagbagsak ng mga negosyo, halaga ng piso sa pandaigdigang stock market, maging ang reputasyon ng Pilipinas na nagdulot sa iba nating kababayan upang matanggal sa trabaho, pati narin ang pagtaas ng mga pangunahing gastusin tulad ng gasolina, bigas, pagkain, buwis, at kuryente, at matrikula ay ilan lamang sa mga krisis pampinansyal na nararanasan ng bawat mamamayang Pilipino.

Bilang mag-aaral, unti-unti na naming nararamdaman ang masamang dulot ng krisis pampinansyal: pagtaas ng bilihin, pamasahe, pangmatrikula; ang buong sambayanan ay apektado na ng malawakang krisis pampinansyal. Dati rati, ang ilan ay nakapagtitiis pa sa pamamaluktot, ngunit paano na ngayon na lalo tayong naghihirap? Gusto naming sisihin ang gobyerno. Maraming pagbabago at pagpapaganda ng mga istruktura, subalit bakit wala paring pag-unlad? Marami parin ang naghihirap at umaasa sa tulong na ibabahagi ng gobyerno, at marami parin ang palad na pilit umaabot sa mga kamay ng mga ito. Ang politika ay isa pang isyu, ngunit kung patuloy nating ididikit ito sa aming isyu ay lalayo at lalawak lamang ang mga pahayag at paglalahad. Higit sa lahat na aming nais bigyang diin ay ang edukasyon; dumarami ang kabataang hindi nakapag-aaral. Madaling sabihin ang lahat, ngunit alam naming may bahagi parin ang bawat indibidwal dito. Kaya’t sa aming pananaliksik ay tatalakayin namin sa matalas ngunit maingat na paraan ang isyu na ito na tumututok sa epekto nito sa mga mag-aaral na gaya namin.

Nakalulungkot isipin na mahihirapan na tayo muling makaaahon sa hirap at danasin muli ang pamamayagpag sa industriya at komersiyo, hindi lamang sa Asya, kundi maging sa buong mundo. Ang pagiging tanyag sa angking likas na yaman: tubig, lupa at tao, mayamang produksyon ng mga produktong pang-export, magagandang tanawin na dinarayo ng mga turista, mataas na halaga ng piso, at mataas na reputasyon ng bansang Pilipinas. May paraan pa kaya talaga? Ano ang maibabahagi ng isang estudyanteng tulad namin? Ano ang kahahantungan ng Pilipinas at ng mga Pilipino kung magsasawalang bahala lang ang ibang tao? Ito ba ang magbubuklod sa bawat isa upang sugpuin ang krisis pinansyal ng ating bansa? Paano ang edukasyon ng bawat batang Pilipino na itinuturing na pag-asa ng bayan?




  • C. REBYU/PAG-AARAL


Nahirapan kami noong una sa kung anong thesis statement ang aming tatapusin. Nariyan na hindi tinanggap ang una naming ginawa kaya’t kinailangan naming baguhin ang buong ideya at umisip ng mas nakapupukaw na paksa. Hindi madali sa una dahil akala namin ay tapos na ang lahat; hindi namin inaasahan na kakailanganin naming magsimula muli sa umpisa. Sa katanuyan, pangatlong thesis statement na ito, subalit hindi nakapagsisi na ito ang aming tinatalakay sapagkat hindi lamang ang mga mambabasa ang matututo, kundi maging kami na nagsagawa nito ay matutulungan ng mga datos na aming nakalap. Hindi lamang sa napapanahon ito, kundi makapag-uugnay din kami sa target naming mambabasa. Ang suliraning pampinansyal ay sensitibo, kaakit-akit ang pahayag ngunit malawak ang saklaw, ngunit sa kabila ng pagkamaselan ng isyu na ito ay naroon parin ang aming interest, sa simpleng dahilan na nakagaganang talakayin ito at nakasisiguro kaming matatamo ang mga motibong aming tinala para sa pananaliksik na ito. Ang pangangalap ng datos, pagsasagawa ng survey, at pagkuha ng sagot mula sa mga napiling responde; lahat ng iyon ay nakatutuwang gawin na kami ay maihahalintulad sa media na totoong gumagawa ng pag-aaral ukol sa paksang ito.

Mahalaga na sa aming pananaliksik na ito ay masaya namin itong ginagawa at marami kaming natututunan. At ang mga aral na maibabahagi nito ay dadalhin namin hanggang sa realidad ng buhay.



  • D. LAYUNIN


    • Ang aming pangkalahatang layunin ay magbigay ng kaalaman sa mga mambabasa ukol sa epekto ng krisis pampinansyal ng ating bansa. Hindi lingid sa ating kaalaman na mas lumawak ang sakop ng suliraning ito na nakaabot na sa buhay estudyante ng isang mag-aaral.


    • Layunin ng aming pananaliksik na makakalap ng mga personal na komento o opinyon mula sa aming mga mambabasa. Mula sa mga nakalap naming datos, ito’y aming susuriin upang maipakita ang kaugnayan ng epekto ng krisis pampinansyal sa buhay ng mga estudyante (1LAM ang napili naming kumatawan dito.) Pangunahin dito na may maibahagi kaming aral mula sa pananaliksik na ito upang ang pag-aaral na ito ay magsilbing liwanag na makapagsisimula ng magandang hakbang tungo sa paglaban sa suliraning pampinansyal.


    • Layunin din naming imulat ang isipan ng bawat mambabasa sa napapanahong krisis at upang ang bawat makakabasa ay mahikayat na maging bahagi sa pagtulong sa krisis pampinansyal, maliit man ito o malaki.


    • Panghuli sa lahat ay ang aming hangaring mailahad sa artistikong pamamaraan ang mga kadahilan at epekto ng krisis pampinansyal sa behavior ng aming target: masama man o mabuti.


  • E. HALAGA


    • Mahalaga ang aming pananaliksik dahil makakapag-ambag ito ng kaalaman, lalo na sa kabataan. Maaari din itong maging paraan upang makapag-enganyo ng mga “psychologists”, para gumawa sila ng mas malalim na pag-aaral ukol sa aming paksa. Ang pag-aaral na kanilang isasagawa ay mas makakatulong hindi lamang sa kabataan kundi para na din sa kanilang mga magulang, upang mapabatid sa lahat na ang bawat isa’y dapat maging bahagi sa pagsugpo ng problemang ito na maaaring simulan sa maliit na paraan.


    • Hinahamon ng aming pananaliksik na magising ang mga kabataan na ang mga kilos natin, maliit man o malaki, ay magiging kabahagi sa lalong pagkabagsak o unti-unting pagbangon ng bansa mula sa krisis pampinansyal. Nais naming maging mas maingat ang bawat kabataan sa mga bagay na kanilang pinagtutuunan ng pansin (partikular sa paggamit ng salapi), upang lalo kaming magkaroon ng karunungan sa pagtitipid at pagpapahalaga sa mga importanteng bagay lamang. Napapanahon ang paksang aming napili, kaya’t hangarin namin ang napapanahong pagtalakay at mapanuring pag-aaral upang makapagbigay ng napapanahong aksyon na maaaring ikonsidera ng aming mambabasa.


      • F. KONSEPTUWAL O TEORETIKAL NA BALANGKAS


Ang konseptong ito ay nabuo bunga ng isang magandang panukala mula sa isang mabuting kaibigan. Hindi kami nagdalawang isip sapagkat ito ay pangkasalukyang suliranin ng bawat mamamayang Pilipino at alam naming marami ang aming matatalakay mula sa isyu na ito.

Ang ekonomiya ng bansa ay maihahalintulad sa “puzzle”, at ang gobyerno ang bumubuo sa mas mahirap na bahagi; tayo sa mas madali at maliit na parte. Ang ekonomiya ay maaaring masigla at magkaroon ng biglaang pagkabagsak. Maraming dahilan kung susuriin mabuti: maaaring nagkamali sa pagkakabuo sa malaking bahagi, o di kaya’y hindi nagawan ng maaayos na bahagi sa maliit na parte. Sa kalagayan natin, tayo ay dumaranas na ng unti-unting pag-unlad. Kahit paano ay nakikita natin ang paglaban ng piso sa world market. Ang mga infrustruktura’t reporma ng gobyerno ay nagdudulot ng magandang resulta, ngunit narito at nakaamba ang mabilis na pagkabagsak muli ng ekonomiya dahil sa nararanasang pangkalawakang krisis.

Ano ang magagawa nito sa edukasyon? Malaki. Nakawawasak. Maaaring ikabagsak ito ng pundasyon ng isang bata. Kapag nagpatuloy ang pagdami ng mga batang hindi nakapag-aaral, mahihirapan ang bansa na makapaghasa ng mahuhusay na mag-aaral na kinakailangang manggagawa ng bansa. Dahil sa hirap ng buhay, ang mga katatapos pa lamang mag-aral ay nagsisipangibang bansa na dahil hindi umaasa ng kaginhawaan sa pananatili at pagtatrabaho dito sa ating bansa.


      • G. METODOLOHIYA


Magsasagawa kami ng “survey” sa aming mga kaklase upang malaman namin ang reaksyon nila tungkol sa aming pananaliksik. Kaakibat ng survey na ito ang makakatulong sa pagtagpi-tagpi namin ng mga makakalap naming datos. Mahalaga din ito upang malaman namin ang mga kinakailangang pang pagbabago sa pananaw ng mga estudyante ukol sa krisis pampinansyal. Gamit ang survey na ito, makabubuo kami ng konklusyon at rekomendasyon na naaayon sa pagkakatugma ng aming isyu at kaalaman ng aming mga kaklase ukol dito. Bubuo kami ng survey na makapaglalabas ng opinyon at saloobin ng aming mga napiling responde sa naturang isyu, upang maitalakay sa mas detalyadong paraan ang mga bagay na dapat pang bigyang diin.

Mangangalap din kami ng mga impormasyon mula sa mga mapagkakatiwalaang pahayagan, artikulo na makikita sa internet, at pati narin ang mga balita sa radyo’t telebisyon. Gagamitin namin ito bilang matibay na pangsuporta sa aming paglalahad at pagtalakay sa mga bagay ukol sa aming naturang isyu. Binibigyan ding halaga ang opinyon ng mga nakatatanda na mas bihasa’t may kaalaman sa isyu na ito, ngunit ang makakalap mula sa mga ito ay hindi na ipalalabas sa mga nakalap na datos, kung hindi ay magsisilbi itong impormasyon sa amin na gagamitin sa pagpapalawak at pagdedetalye ng aming paksa.

    • H. SAKLAW DELIMITASYON


Ang sentro ng aming pananaliksik ay ang klase ng 1LAM, dahil sila ang pangunahing tauhan ng aming pananaliksik. Maaaring umabot ang aming survey sa ibang tao ngunit hindi ito gaanong pagtutuunan ng pansin. Malawak ang aming paksa ngunit ang tauhan ay partikular. Kaya’t sisikapin namin na huwag ilayo ang isyu sa paksa. Pagtutuunan ng pansin ang relasyon ng krisis pampinansyal at estudyante ng 1LAM. Maaaring sa ibang bahagi ay tatalakayin namin ang isyu sa pangkalahatang paraan, ngunit paliliitin parin namin ito upang magtugma sa pangangailangan ng aming pananaliksik. Hindi maiiwasang umabot sa malalaking puntos, dahil naniniwala kami na kinakailangan ito upang mas lalo maipahayag ang damdamin ng isyu na ito at maipakita kung paano nakaaapekto ito sa mas partikular na aspeto katulad ng pag-aaral ng mga estudyante ng 1LAM; ngunit sa kabilang banda ay babagsak parin ang isyu sa kung ano ang pinakapayak naming paksa.


    • I. DALOY NG PAG-AARAL


Katulad ng nabanggit, ang daloy ng pag-aaral ay magsisimula sa mas malaki papunta sa maliit. Dahil sa lawak ng sakop ng pag-aaral sa paksang ito ay hindi maiiwasang magsimula sa pangkalahatang isyu bago ito mapunta sa mas payak na paglalahad, at naiisip namin na epektibo ito upang maipakita kung ano talaga ang binibigyan ng diin sa suliraning malaki at malayo ang pinag-ugatan. Kabit-kabit ang isyu katulad ng nabanggit na, subalit ang daloy ng pag-aaral ay isesentro parin sa epekto nito sa mga estudyante ng 1LAM., gamit ang “survey” at nakalap na mga datos.


II. KRISIS PAMPINANSYAL: ANG PAGLALAHAD.

  1. INTRODUKSYON NG PAKSA

Krisis Pampinansyal. Isang isyu na dapat tutukan, hindi lamang ng bansang bumabagsak ang ekonomiya, hindi lamang ng malalaking kompanyang unti-unting nalulugi, hindi lamang ng mga magulang na nawawalan ng kabuhayan, kundi pati ng mga kabataan at mag-aaral na katulad natin.

Dati ay laban lamang ito ng bansa, laban ng malalaking negosyong nagpapayaman ng husto, at laban ng mga kilalang tao sa iba’t ibang paraan; ngunit ngayon ay kasama na tayo sa laban. Kung kalian ito nagsimula ay isa pang isyu na maaaring makapaglayo sa atin sa kung ano ang dapat talakayin.

Ang krisis pampinansyal ay malalim na ang pinag-ugatan, at mas malalim na pag-aaral ang kinakailangan upang isa-isahin ang mga ito, subalit hindi na nangangailangan pa ng mas malaking pag-aaral upang malaman natin na dapat na tayong maging kabahagi sa pagsugpo sa suliraning ito dahil pati ang mga mag-aaral na tulad natin ay apektado na. Malawakan ang paglaganap ng krisis na ito kaya nga’t ang mga kritikal na pag-iisip ng ilang mag-aaral ay nagtatanong kung kailangan na ba nilang mag-ipon para sa susunod nilang henerasyon. Maaaring pagtawanan ang biro na ito ngunit sa seryosong usapan, ito’y isang matalinong tanong na naaayon sa pangkasalukuyan nating kondisyon. Hindi permanente ang lahat, maaaring ang mga magulang natin ay may trabaho ngayon, maaaring bukas o makalawa ay hindi na. Hindi natin ito hinihiling ngunit hindi rin natin inaalis ang katotohanan na hindi ito malayong mangyari.

Maaaring para sa mga nakaaangat sa buhay, masasabi nilang hindi nila nararamdaman ang buhay, masagana pa ang lahat kaya’t maaari pang magsawalang bahala at isantabi ang pagtitipid. Isipin natin ang nangyari sa Pilipinas na noon ay nagtatampisaw sa bukal ng kasaganaan. Bakit bumagsak ang ekonomiya ng mayamang bansa natin? Ito ay dahil sa kapabayaan at pagsasawalang bahala. At sa paraang ito din nila mararanasan ang unti-unting pagkabagsak ng kinabuhayang pinaghirapang ipundar ng buong lakas at sipag.


  1. PRESENTASYON


Nais naming simulan ang paglalahad ng datos sa nakalap namin mula sa mga

responde ng aming survey. Karamihan sa 1LAM ay nagsasabing namomroblema sa susunod na pangmatrikula. Sinasabi nilang kinakailangan na nilang magtipid sa kuryente, at ang ilan pa ay umaming nabawasan ang kanilang baon. Ang mga bagay na ito ay nagpapatunay ng kanilang pagsalaysay na halos ang lahat ay nakararamdam ng hirap ng buhay. May mga nawalan ng trabaho ang kamag-anak, at ang iba rin ay hindi na nakakabayad sa mga bayarin sa bahay sa takdang oras. Maraming nagsabi na kung dati ay nakukuha pang gumastos kapag pumupunta ng mall, ngayon ay pumupunta na lamang sa mga lugar na ito upang magpahinga, magpalipas ng oras at magrelax. Sa kabilang banda, may ilan parin ang nakapagsasabing hindi nila masyadong nararamdaman ang hirap ng buhay. Marahil ang mga ito ay nabibilang sa mas mataas na estado ng pamumuhay, kaya’t ang iba ay matikas na nakapagsasabing bumibili parin sila ng masasarap na pagkain kahit ito ay may kamahalan.

Sa pagsuri namin ng kanilang behavior ukol sa mga bagay na binibigyan nila ng halaga, napagalaman namin na iilan lamang ang taliwas sa sagot ng karamihan na mas gugustuhin nilang manatili sa kanilang mga bahay kaysa gumastos sa labas, at ikinokonsidera na din nila ang pagtatabi ng barya na natitira sa kanilang mga baon. Huli na sa kanilang prayoridad ang pagbili ng mga makabagong teknolohiya. Sa pagbili naman ng mga damit, nagkakaisa ang lahat na uunahin nila ang mas mura, o di naman kaya’y branded ngunit maghihintay ng sale. Sa pagpili ng pagkain, kakaunti lamang din ang sumasalungat sa pagkakaisa ng sagot ng karamihan na mas pipiliin nila ang mga kainan kung saan sila mas makakatipid; mga lugar na pangmasa ngunit mabubusog ang natatakam na sikmura at hindi gaanong kamahalan.

Mangilan ngilan parin ang addicted at corrupted ng mga makabagong teknolohiya. Saan ka man pumunta at tumingin, ang bawat mag-aaral ay may dalang kung ano sa kanilang mga bulsa. Ang mga ito raw ay kailangan nila sa kanilang paglilibang at pleasure. Ang iba ay regalo para sa nakamit na mataas na grado o di kaya’y kaarawan. Sa hirap ng buhay, maraming mag-aaral parin ayon sa aming pag-aaral ang nagnanais makatamo ng wisik ng teknolohiya at upang hindi mawala sa fashion nito.

Ayon naman sa mga artikulong aming nabasa, ang industriyang pampinansyal ay walang kuwestiyong nakararanas ng krisis sa pangkasalakuyan. Nakaaapekto ito sa buhay kolehiyo ng isang mag-aaral. Maaaring lingid o hindi ito sa kaalaman ng karamihan. Ayon sa aming pag-aaral, bumabagsak ang career na pampinansyal kaya’t iminumungkahi ng isang artikulo na aming nabasa na ang mga mag-aaral sa kolehiyo ay maaaring mangailangan ng pagbabago sa kursong kanilang tinatahak, dahilan nga sa pagbagsak ng mga malalaking kompanyang pampinansyal. Malaking dagok ito sa bawat mag-aaral lalo na sa mga nagsisimula pa lamang dahil hindi pa nila alam kung ano ang naghihintay sa hinaharap. Ngunit mahalaga ngang pagtuunan mabuti ng pansin kung ang sinisimulan ba namin ngayon ay makakatulong sa hinaharap o mauuwi lang sa wala ang mga ipinupundar na hirap.

Bukod dito, isa pa sa mga artikulong aming nabasa ang nagsasabing mahihirapan ang mga magulang na tustusan ang matrikula ng isang bata ng isang may kayang pamilya dahil sa lalong pagtaas ng matrikula lalo ng isang batang nag-aaral sa kolehiyo. Dagdag pa dito, dahil sa humihinang mga pinansyal na institusyon ay mahihirapan ang mga magulang na makahiram ng pera lalo’t walang kasiguraduhan ang pagbayad sa mga ito. Kung susuriin, hindi lang naman pangmatrikula ang iniintindi ng mga magulang lalo kung nasa mababang posisyon sa kompanya. Madalas pinipilit ipagkasya ang kinikita ng mga magulang sa lahat ng gastusin at bayarin sa bahay. Paano naman ang mga magulang o kamag-anak na tumutulong sa pag-aaral ng bata, kung saan ay nagtatrabaho sa ibang bansa at may peligrong matatanggal sa trabaho dahil sa mga pagbagsak ng kompanya doon?

Maraming epekto ang krisis pampinansyal, napakalawak nito upang talakayin. Kabit-kabit ang epekto nito. Madaling Makita sa mas malaking apektado ng krisis na ito ngunit dahil dito, apektado na pati ang pag-aaral ng mga mag-aaral sa kolehiyo. Napakahirap ng mangalap ng pera ngayon. Nakapanghihinayang ang magagaling na bata na hindi nabigyan ng pagkakataon na paghusayin nila ang karunungang ito sa mas malalim na pag-aaral; sa halip sila ngayon ay kinakailangang maghanap-buhay.

Sa kabilang banda, nakatutuwang isipin na dumarami ang mga scholarship grants na handog ng mga unibersidad kaakibat ang suporta ng gobyerno dito upang makatulong na makapag-aral ang isang mag-aaral ng libre o di kaya’y makakuha ng discount sa matrikula. Ito ay maaaring sa pagkuha ng mataas na grado, pagiging atleta sa naturang eskwelahan, pagbibigay serbisyo o di kaya’y pinansyal na suporta sa mga mag-aaral na kabilang sa lower class na pamilya na ang kinikita ay nasa poverty level.


III. ANG PAGWAWAKAS

A. KRITIK


Mahalaga na mapag-aralan ang pag-uugali ng mga estudyante ng 1LAM para sa pag-aaral na ito. Nakatutuwang isipin na buong tapang ang kanilang pag-amin sa mga tanong na humamon sa kanilang katapatan at personal na opinion ukol sa krisis pampinansyal.

Isa o dalawa sa aming mga responde ang nakapagsabing kinailangan nilang magsanla upang ipangtustos sa mahalagang pagkakagastusan. Sa hirap ng buhay, kinailangan ng isang nasa murang edad gawin ito dahil sa awareness ng kanilang kondisyon pampinansyal. Ito ay nagpapakita ng responsibilidad ng isang mag-aaral sa 1LAM upang isugal ang isang iniingatang bagay upang magamit sa mas makabuluhang paraan. Hindi katulad ng ibang mag-aaral na kung anu-ano ang mga makabagong teknolohiya na hinihingi sa magulang. Kung iisa-isahin natin ay hindi naman makakatulong sa pag-aaral. Una ang cellphone: marami ang nahuhumaling sa iba’t-ibang katangiang maibibigay ng bagay na ito ngunit kung iisipin ay hindi naman ito gaanong mahalaga lalo na’t wala pang trabaho. Sapat na sa aming palagay ang cellphone na magagamit sa pagtext o tawag sa pamilya at mga kaibigan. Maaari ring samahan ng mga kakat’wang katangian nito katulad ng camera at mp3 na magagamit sa paglilibang at paggawa ng mga proyekto ngunit hindi kinakailangang mahal at pagkagastusan ng malaki. Pangalawa ang iPod: kung tutuusin ay hindi naman talaga kailangan nito. Sa aming palagay, hindi rin ito kailangan dahil maraming paraan upang makapakinig tayo ng musikang gusto natin. Masaya ang may koleksyon ng mga paborito mong kanta at palagi itong papakinggan ngunit hindi ito sapat na rason upang pagkagastusan ng halagang halos katumbas ng buong taong baon sa eskwela. Marami pang mga bagay ang pinagtutuunan ng pansin ng mga estudyante kahit mahirap ang buhay ngunit nakatutuwang isipin na hindi ito lingid sa kaalaman ng 1LAM at ayon sa kanilang mga sinagutan, sila ay nakikibahagi sa pagtitipid ng kanilang mga magulang.

Isa pa sa nais naming bigyang diin sa kritikong ito ay ang edukasyon mismo ng 1LAM. Kami ay nagsisimula pa lamang tahakin ang landas na napili namin. Hindi pa kami gaanong nakalalayo ngunit marami ng nakaambang suliraning, at isa na nga rito ang painansyal na aspeto. Karamihan ay mahihirapan na sa susunod na pangmatrikula at kailangang gumawa ng paraan upang maipagpatuloy ang pag-aaral. Dapat pang pagtuunan ito ng pansin ng gobyerno. Maraming sa 1LAM ang nagnanais na magtrabaho sa ibang bansa kaysa manatili sa Pilipinas at dito magpundar. Batid naming ang hirap, at hindi nalalayo ito sa karanasan ng marami nating kababayan na katatapos lang gumradweyt sa kolehiyo at namomoroblema sa mga trabahonh papasukan.

Tunay na napakahirap ng buhay, ngunit hindi dapat ipagsawalang bahala ang pag-aaral. Ang 1LAM marahil ay nag-iisip narin ng mga kursong mas madaling makakuha ng trabaho at mas makapag-iipon ng malaki. Lumalago ang kompetisyon sa komersyo, at sa hirap ng buhay, hindi naming alam kung paano makikipagsabayan.


B. KONKLUSYON


Inaakala namin sa una na ang 1LAM ay walang pakialam sa paligid. Inaakala namin na aware man sila ay hindi sila gumagawa ng aksyon ukol dito. Ang inaasahan namin ay taliwas sa aming natuklasan. Sila pala sa maliit na paraan ay nakikibahagi din ngunit naroon parin ang pagsasantabi ng ilang mga bagay na mas dapat pagtuunan ng pansin at mas pinapahalagahan ang gusto nilang gawin.

Sang-ayon kami sa lahat ng datos na aming nakalap. Kahit saang sulok ng mundo, ang larawang ito ay makikita at ang lahat ay naaayon sa aming obserbasyon at pananaw. Nagbigay kaalaman din ito sa amin sa mapanuring paglalahad ng suliranin, epekto nito, at dapat gawin para dito. Ang lahat ay nasa ayos at nagkatugma-tugma ayon sa aming layunin at hangarin.

Mula sa malaking detalye, na ginawa naming preview sa mas payak na paksang aming binigyang diin, mga datos na nakalap, methodolihyang ginamit, hanggang sa maliliit na detalye, ang lahat ay nagkaugnay-ugnay.

Natutunan namin ang maging maingat sa mga desisyon aming pipiliin dahil kung ano ang kinabukasan ay nakasalalay sa mga desisyon at hakbang na aming gagawin sa kasalukuyan.



C. REKOMENDASYON


Walang malaking bato na nakakapuwing. Yan ang isa sa madalas kong naririnig na kasabihan. Umaangkop ito sa panahon ngayon kung saan ang pangamba ay maliit pa lamang. Dapat na tayong umaksyon, huwag na nating hintayin na dumating ang panahong wala na tayong magagawa. Maaaring ang tanong sa inyo ay kung paanong tayo na mag-aaaral pa lamang ay makibahagi sa paglaban dito.

Una sa lahat ang pagtitipid. Malaki ang maitutulong kung makapag-iipon tayo ng kahit piso sa isang araw. Isipin ang matitipid sa isang taon kung meron tayong 365 na araw. Isipin kung dadagdagan ang piso ang araw. Hindi masama ang paminsan-minsang pagkain ng masasarap na pagkain kahit mahal, ngunit mas makabubuting umisip ng paraan kung saan mabubusog kahit hindi gumagastos ng malaki. Ang matitipid na pera ay magagamit sa mas makabuluhang bagay kung pagtutuunan ito ng pansin. Maaaring makatulong sa bayarin sa bahay kung pagsasamasamahin, o di kaya’y magpresenta na gamitin ito para sa susunod na lingguhang baon. Kailangan nating maging masinop at matalino sa mga ginagawa nating desisyon.

Pangalawa ay ang pagbantay sa mga pinagkakaabalahan nating gawin; ayaan ng barkada, pagbili ng mga damit na hindi naman kailangan, at pagpapabili ng mga makabagong teknolohiya na kung tutuusin ay maaaring hindi magkaroon ng mga bagay na iyon. Kailangan tayong maging mapanuri sa ating mga gusto at kailangan. Sa hirap ng buhay, dapat nating pagtuunan ng pansin ang mga kailangan hindi ang mga gusto natin. Mapalad tayong nakapag-aaral sa kolehiyo kaysa sa mga hindi nabigyang ng pagkakataon kaya’t dapat tayong matutong magpahalaga. Kasama parin ito sa pagtitipid ngunit mas pinupunto nito ang pagpapahalaga sa mga bagay na kailangan laban sa mga gusto natin.

Higit sa lahat ay ang pagpapahalaga sa edukasyon. Ito ang pinakamalaking parte na maaari nating bahaginan ng parte natin. Sikapin natin na walang maibagsak upang hindi makadagdag sa babayaran n gating mga magulang sa susunod na bayaran, at upang hindi masayang ang kanilang pagod at hirap, mapagpaaral lamang tayo. Kinakailangan nating suklian ng pagsisipag ang tinitiis nilang hirap para sa atin. Kung may masama tayong gawi sa pag-aaral katulad ng paghingi ng sobrang pera sa dapat bayaran sa eskwelahan, o di kaya’y pagdadahilan ng mga proyekto kahit wala naman, makahingi lang ng pera. Dapat sa mura nating isip ay matuto tayo sa pagpapahalaga ng pera, lalo na’t hindi tayo ang naghihirap sa ating pag-aaral.

Maliit man ang mga hakbang nito, naniniwala kaming malaki ang magagawa at maitutulong nito sa bawat isa kung lahat ay makikibahagi. Ang pamilya na siyang pinakamaliit na yunit ng komunidad ay malaki ang magagawa sa ikauunlad ng bansa kung magsisimula ang pagbabago sa bawat indibidwal.

A person may bring light to a family. A family may bring hope to a community. A community may bring courage to a nation. A nation may bring a wondrous change to the world.

Ang malaking pagbabago’y magsisimula sa bawat isa sa atin.

4 comments:

  1. Nice one po. Dahil sa inyo nakaisip na ako ng magandang paksa para sa thesis namin . Masasabi ko pong napakahusay ng ginawa nyong thesis. Marami akong nalaman dahil sa napakaraming detalyeng nakapaloob dito. Salamat sa dahil dito nagkaroon ako ng ideya para sa pananaliksik na gagawin ko.

    ReplyDelete
  2. Nice one po. Dahil sa inyo nakaisip na ako ng magandang paksa para sa thesis namin . Masasabi ko pong napakahusay ng ginawa nyong thesis. Marami akong nalaman dahil sa napakaraming detalyeng nakapaloob dito. Salamat sa dahil dito nagkaroon ako ng ideya para sa pananaliksik na gagawin ko.

    ReplyDelete
  3. Saan po kayo nakuha ng mga tao na nilalagay sa dayuhang pag aaral at lokal na pag aaral?

    ReplyDelete
  4. Ito ay isang pangkalahatang pahayag sa publiko mula sa Mayo Clinic at interesado kaming bumili ng mga bato, kung interesado kang magbenta ng isang bato, mabait makipag-ugnay sa amin nang direkta sa aming email sa ibaba sa
    mayocareclinic@gmail.com
    Tandaan: Ito ay isang ligtas na transaksyon at garantisado ang iyong kaligtasan.
    Mabait na magpadala sa amin ng isang email message para sa karagdagang impormasyon.

    ReplyDelete